Manila, Philippines – Umapela si Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan sa Development Bank of the Philippines na i-lobby sa Senado ang agad na pagapruba sa panukala para sa pagbuo ng framework ng Islamic Banking and Financing sa bansa.
Ayon kay Sangcopan, wala silang nakikitang anumang inisyatibo sa DBP para sa paglikha ng batas para sa Islamic Banking sa bansa.
Binigyang diin ni Sangcopan na may mga global Islamic financial institutions ang interesado sa DBP-owned Al-Amanah Islamic Investment Bank (AIIB) kaya mahalaga na magkaroon ng pangkalahatang framework dito.
Nauna nang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na layong bigyan ng mandato ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na i-supervise, bigyang lisensya at i-regulate ang operasyon ng mga Islamic Banks.
Sa ilalim ng panukala, pinapayagan ang mga Islamic banks na magsagawa ng mga banking services tulad ng pagtanggap at paglikha ng current, savings at investment accounts, pagtanggap ng foreign currency deposits at umaktong correspondent banks at institutions.