Manila, Philippines – Posibleng lagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala para sa libreng college education bago o sa mismong araw ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) nito sa Hulyo.
Ayon kay Senador Sonny Angara – maaaring ito ang pinakamalaki at pinakamagandang anunsyong maririning ng publiko sa SONA ng Pangulo.
Sa ilalim ng universal access to quality tertiary education bill na una nang inaprubahan at niratipikahan sa dalawang kapulungan ng kongreso, libre nang makakapag-aral ng kolehiyo ang mahihirap na kabataan.
Samantala, sa susunod na sesyon ng kongreso, balak ni Angara na maghain ng panukalang magbibigay ng year-round 20 percent na discount sa regular na pamasahe ng mga estudyante.
Sakop ng isusulong na student fare discount bill ang pamasahe ng mga estudyante sa tren, eroplano at barko.