Mahaharap sa mabigat na parusa ang mga mamemeke ng medical certificates o dokumento tulad ng test results at COVID-19 vaccination cards.
Dahil dito ay pinamamadali ni Parañaque Rep. Joy Myra Tambunting ang pagpapatibay ng House Bill 9946 na layong mapatawan ng mabigat na parusa upang hindi na umulit pa ang mga gagawa ng falsification ng mga dokumentong may kinalaman sa COVID-19.
Kabilang sa mga isinusulong na parusa ay “prision correccional” sa medium hanggang maximum period nito (2 taon hanggang 6 taon), at multang aabot hanggang ₱250,000 para sa sinumang indibidwal o doktor na mamemeke ng anumang medical certificate, resulta ng pagsusuri, vaccination cards at kahalintulad sa panahon ng “national health emergency.”
Kapag naman isang grupo na mayroong tatlo o higit na sangkot, ang ipapataw ay prision correcional sa maximum period nito, at multa na aabot sa ₱1 million.
Inaamyendahan ng panukala ang Article 174 ng Revised Penal Code upang maitaas ang mga parusa sa mga lalabag.
Matapos na maglabas ng mga polisiya laban sa mga unvaccinated, may mga ulat ng pagkalat ng mga “falsified” o pekeng medical documents, para makuha ang mga benepisyo at iba pang mga pribelehiyo na para sa mga bakunado.