Panukala para sa pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act, aaprubahan agad sa pagbabalik sesyon ng Kamara

Tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte na pagtitibayin nila agad sa pagbabalik sesyon ang panukala para sa pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Law.

Noong Biyernes lamang ay sinertipikahang urgent ito ng Palasyo pero bigo naman ang Kongreso na maaprubahan ito sa huling araw ng sesyon bago ang Undas break.

Ayon kay Velasco, aaprubahan nila sa pagbabalik sesyon sa November 16, 2020 ang House Bill No. 6174 na siyang magpapalakas sa ngipin ng Anti-Money Laundering Act of 2001.


Sa ilalim aniya ng mga susog o amyenda sa nasabing batas ay tinitiyak na maiibsan ang pahirap sa financial transactions lalo na sa mga Overseas Filipino Worker (OFWs) at mga nasa business sector.

Iginiit naman ni House Majority Leader Martin Romualdez na magdodoble-kayod sila sa Kamara para maipasa ang nasabing panukala at iba pang mga batas na kinakailangan ng bansa.

Siniguro ng mga house leader na agad itong tatrabahuhin sa pagbubukas ng sesyon upang malagdaan na sa lalong madaling panahon ng Pangulo at maging ganap na batas.

Facebook Comments