Malapit nang maisabatas ang panukala na poprotekta at magpapahusay sa sektor ng creative industry.
Kasunod na rin ito ng pagratipika ng Kamara sa bicameral conference committee report ng House Bill 10107 at Senate Bill 2455 o “Philippine Creative Industries Development Act.”
Matatandaang isa ang nasabing industriya sa pinakaapektado ng COVID-19 pandemic kung saan halos dalawang taon na sarado ang mga sinehan, mga teatro, at museum dahil ipinagbabawal pa noon ang anumang aktibidad na maaaring magdulot ng “super-spreader event”.
Sa ratified bicam report ay nagkasundo ang Kamara at Senado na lumikha ng Creative Industries Development Council na siyang mangangasiwa at titingin sa development at promosyon ng Philippines Creative Industries bilang lehitimong economic sector.
Babalangkas din at magpapatupad ng Philippine Creative Industries Development Plan na siya namang magsisilbing roadmap o blueprint para sa pagpapaunlad sa creative industry ng bansa sa mga susunod na taon.
Layunin din ng panukala na makalikha ng mga trabaho, oportunidad, financial at social protection at suporta sa mga manggagawa sa industriya.
Magbibigay rin ng economic incentives at iba pang tulong para naman sa mga “creative” MSMEs na pangunahing nagbibigay ng kabuhayan sa mga creative workers at freelancers.
Umaasa ang Kongreso na agad lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala para mabigyan ng proteksyon at matiyak nag kabuhayan ng mga nasa creative industry.