Lusot na sa committee level ang Magna Carta for Non-Uniformed Personnel sa militar at sa iba pang unipormadong ahensya ng pamahalaan.
Tatlong panukala ang pinagisa at inaprubahan sa House Committee on Civil Service and Professional Regulation na may layong isulong at pagbutihin ang kapakanan ng mga non-uniformed personnel na nagtatrabaho sa mga uniformed agencies.
Ang mga non-uniformed personnel o NUP ay mga empleyadong sibilyan sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of National Defense (DND) at iba pang uniformed agencies.
Pinatitiyak sa panukala na napoprotektahan ang karapatan ng mga empleyadong sibilyan at may maayos na working environment para sa epektibong pagtupad sa tungkulin.
Sinisiguro sa panukala ang security of tenure, tamang kompensasyon at benepisyo, karapatan para bumuo ng organisasyon, tamang oras sa trabaho, safeguards sa ipinapatupad na disciplinary procedures, polisiya sa recruitment and human resource development, health measures at iba pa.