Panukala para sa pagtatatag ng kagawaran sa disaster response, pinalalagyan ng isang senador ng anti-red tape provision

Iminungkahi ni Senator Francis Escudero na lagyan ng anti-red tape provision ang panukala para sa pagbuo ng bagong ahensya o kaya ay bagong departamento para sa disaster response.

Ang suhestyon ng senador ay kasunod na rin ng mga panawagan ng iba’t ibang sektor na magtatag ng isang kagawaran para sa pagtugon sa mga kalamidad matapos ang magnitude 7 na lindol na yumanig sa Northern Luzon.

Naniniwala ang senador na kung may anti-red tape provision ang panukala para sa isinusulong na kagawaran ay matitiyak ang napapanahon, episyente at “red-tape free” na pamamahagi ng tulong at pondo tuwing may disaster o kalamidad.


Iginiit din ni Escudero na dapat ay ipagbawal ang mga mahihirap na alituntunin na siyang nagpapabagal sa paglalabas ng rehabilitation funds sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.

Inihalimbawa ni Escudero ang kanyang karanasan noong gobernador pa ng Sorsogon kung saan ang paglalabas ng pondo para sa emergencies ay nabibinbin dahil sa mahirap na proseso at napakaraming dokumentong hinihingi ng national government mula sa mga Local Government Unit (LGU).

Dagdag pa ng senador, sa gaganaping pagdinig sa panukala para sa pagtatag ng bagong ahensya para sa disaster response, relief at resilience ay maglalantad sa napakahabang prosesong pinagdadaanan para sa pag-secure ng calamity funds.

Facebook Comments