Tinalakay na sa Committee on Health at COVID-19 Response Cluster ng Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee ang panukala na naglalayong magtatag ng isang Virology Institute of the Philippines o VIP.
Ang naturang institusyon ang mangunguna bilang Multi-Disciplinary Research Institute sa larangan ng Virology na nakakaapekto sa kalusugan ng tao, mga hayop at mga halaman.
Ang VIP ang tutugon sa mga banta sa public health sa pamamagitan ng mga kongkretong hakbang at istratehiya laban sa iba’t ibang uri ng pandemya.
Layunin din ng VIP ang pagsasaliksik upang makagawa ng vaccines, diagnostics, at therapeutics gayundin ay magsagawa ng pag-aaral sa mga virus na may kaugnayan sa agrikultura, industriya, klinika at kalikasan.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, isa sa nagsusulong ng panukala, na ang pagtatatag ng VIP ay pagpapamalas ng ating kahandaan sa hamon sa anumang pagbabago sa ating kalikasan.
Isang technical working group naman ang binuo upang pag-isahin ang pitong panukalang batas na nagsusulong ng VIP.