Malapit nang mabigyan ng proteksyon ang mga online consumers at merchants matapos na makapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang Internet Transactions Act.
Sa botong 232 yes at wala namang pagtutol, pinagtibay na ng Kamara sa third at final reading ang House Bill 7805 na layong masugpo ang mga panloloko sa mga online transactions.
Nakasaad sa panukala ang paglikha ng e-Commerce Bureau sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) na siyang magpapatupad, magbabantay at magre-regulate ng business-to-business at business-to-consumer commercial transactions na isinasagawa sa internet.
Ang nasabing bureau ay may kapangyarihang mag-imbestiga at maghain ng kaso laban sa mga lalabag at siya ring tatanggap at tutugon sa reklamo ng mga consumers sa internet transactions.
Ang consumer na mapatutunayang lumabag sa batas ay magbabayad ng multang P50,000 habang ang seller ay mula P500,000 hanggang P5 million at babawiin din ang lisensya.
Mula Enero hanggang Oktubre ng taong 2020 ay nakatanggap ng 1,500 na reklamo sa internet ang PNP at karamihan sa mga ito ay online scams, phishing at credit card fraud.