Panukala para sa standard academic calendar, isinusulong na maaprubahan na sa Kamara

Pinaaaprubahan ni 1-ANG EDUKASYON Partylist Rep. Salvador Belaro ang panukala para sa pagkakaroon ng standard academic calendar sa lahat ng antas ng edukasyon.

 

Paliwanag ni Belaro, mainam ang ginawang desisyon ng Commission on Higher Education na isabay ang academic year sa simula din ng fiscal year.

 

Ito ay para ‘synchronize’ at mabigyan ng sapat panahon ang pagpopondo at paghahanda sa pagaaral ng mga estudyante sa susunod na pasukan.


 

Dahil hindi aniya sabay sa fiscal year ang academic year ay nagkukulang sa resources ang mga paaralan at unibersidad.

 

Ilang buwan din aniya ang inaabot para ayusin ang mga kinakailangang dokumento para sa budget release sa edukasyon kaya ang paglilipat ng simula ng school year sa Agosto ay sapat na para makapaghanda sa susunod na pasukan.

 

Naunang inihain ni Belaro ang House Bill 4044 kung saan iminungkahi nitong magkaroon ng common academic year mula Elementarya hanggang Kolehiyo.

 

Sa kabila nito ay inaayawan naman ng Department of Education ang panukala at mas nais pa rin ang June-March na school year dahil mahihirapan umanong makapag-focus sa pagaaral ang mga estudyante kung papapasukin ang mga ito sa mga buwan na sobrang tag-init.

Facebook Comments