Panukala para sa tax exemptions ng mga government financial institutions, pasado na sa komite ng Kamara

Inaprubahan na sa House Committee on Ways and Means ang tax provisions para sa panukala na magbibigay ng financial assistance sa mga negosyong apektado ng COVID-19 at magpapalakas sa kapasidad ng mga Government Financial Institutions (GFIs).

Sa inaprubahang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda, Chairman ng komite, na palalakasin ang capacity ng mga GFIs tulad ng Philippine Guarantee Corp. (PGC), LandBank of the Philippines (LBP), at Development Bank of the Philippines (DBP) sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga insentibo at mga exemptions.

Sa ganitong paraan ay makakatulong ang mga GFIs sa mga negosyo na ipagpatuloy ang operasyon at panatilihin sa trabaho ang mga empleyado sa pamamagitan ng mas pinalawig pa na credit refinancing tulad ng pagpapautang, rediscounting at iba pang credit accommodation facilities.


Nakasaad din sa panukala ang paglikha ng ARISE Inc. na siyang magbabalanse at magtatakda ng istriktong kondisyon sa mga negosyo at pautang sa mga MSMEs.

Sa ilalim ng inaprubahang substitute bill ay ililibre ang mga transaksyon sa DBP, LandBank at ang special holding company gayundin ang mga subsidiaries sa pagbabayad ng documentary stamp tax, capital gains tax, creditable withholding income tax, value-added tax, gross receipts tax, at iba pang buwis na itinatakda ng National Internal Revenue Code of 1997.

Facebook Comments