Lusot na sa House Committee on Senior Citizens ang substitute bill na naglalayong itaas ang diskwentong ibinibigay sa mga bayarin ng mga senior citizen partikular sa tubig at kuryente.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala ay itataas na sa 10% ang discount na ibinibigay sa mga senior citizen mula sa kasalukuyang 5% sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act (RA 9994).
Magiging applicable ang naturang diskuwento sa unang 150 kWh na konsumo sa kuryente habang sa first 50 cubic meters naman para sa konsumo sa tubig.
Ililibre rin sa value added tax ang electricity bills at water bills na nakapangalan sa mga senior citizen.
Sa kasalukuyan, ang mga senior na kumokonsumo ng 100 kWh sa kuryente at 30 cubic meters sa tubig lamang ang eligible sa discount kaya kung sumobra sa konsumo ay hindi na ito makakakuha ng diskwento sa bill.
Pinatitiyak naman ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes sa mga power at water companies na gawing madali ang pagkuha ng mga matatanda ng kanilang diskwento sa oras na maging ganap na batas ito.