Panukala patungkol sa candidate substitution at resignation, muling ihahain sa 19th congress

Muling itutulak sa 19th Congress ang panukala kaugnay sa candidate substitution at resignation para sa mga tatakbo sa halalan.

Ayon kay Deputy Speaker Rufus Rodriguez, ihahain niya muli sa pagbabalik-sesyon ang dalawang electoral reform bills na layong linisin ang electoral process sa bansa.

Kabilang sa isusulong ay ang panukala na tuluyang magbabawal sa substitution ng alinmang kandidato sa local at national election maliban na lamang kung ang isang kandidato ay nasawi o na-disqualified.


Ipinababalik din ng kongresista ang isang lumang probisyon sa election law kung saan otomatikong resigned sa kasalukuyang posisyon ang isang incumbent elective official na naghain ng certificate of candidacy (COC) para sa ibang pwesto.

Paliwanag ni Rodriguez, layunin ng mga panukala na wakasan na ang mga nakasanayan ng mga pulitiko at political parties na pangaabuso sa proseso na nagbibigay ng duda sa integridad ng halalan.

Umaasa ang kongresista na susuportahan ito ng incoming Marcos administration at pagtitibayin agad ng mga mambabatas ang nasabing twin measures.

Facebook Comments