Naisumite na ni Budget Secretary Wendel Avisado kay Senate President Vicente Sotto III ang mga dokumento kaugnay sa panukalang 2021 national budget na nagkakahalaga ng mahigit 4.5 trillion pesos.
Pinapabigyan na ni Sotto ng kopya ang lahat ng mga senador para kanilang masuring mabuti bago talakayin kung may sobra o mga “pork” na pwedeng tagpasin.
Diin ni Sotto, sa mga susunod na araw ay kanila ng makikita ang takbo ng National Expenditure Program ng administrasyong Duterte para sa susunod na taon.
Sabi naman ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, kung ikukumpara sa mga nagdaang pambansang budget ay magbabago ang prayoridad para sa susunod na taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Inihalimbawa ni Angara na kailangang bigyan ng bigat sa 2021 budget ang pagpapalakas sa kapasidad ng mga ospital at pagpapahusay sa internet infrastructure sa bansa na lubhang kailangan sa distance learning at work from home arrangements.