Panukalang 2023 national budget, mahalagang maipasa kaagad

Sang-ayon si Senator-elect Francis “Chiz” Escudero na mahalagang maipasa agad ang panukalang 2023 national budget para may magamit agad na pondo sa pagpapasigla ng ekonomiya at pagkakaloob ng ayuda sa mga malilit na negosyo at sektor agrikultura na labis na naapektuhan ng pandemya.

Sinabi ito ni Escudero makaraang banggitin ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na makikipagtulungan siya sa 19th Congress para matiyak ang mabilis na pagpasa sa 2023 budget na magpopondo sa economic stimulus measure.

Naniniwala si Escudero na wala namang kokontra sa mabilis na pagtalakay at pagpasa ng pambansang budget sa susunod na taon dahil sa ilalim ng konstitusyon ay ito ang pinakamahalagang tungkulin nila bilang mambabatas.


Giit ni Escudero, dahil sa matinding dagok ng pandemya ay dapat magtulungan ang lahat anuman ang kulay at pulitika o kinabibilangang partido politikal.

Para kay Escudero, kailangang maiprayoridad sa ilalim ng 2023 budget ang suporta sa agriculture sector at sa micro, small and medium enterprises o MSMEs.

Paliwanag ni Escudero, kapag nasolusyunan ang problema ng MSMEs ay parang nasolusyunan na rin natin ang halos 99% ng problema sa ekonomiya at kakulangan ng trabaho.

Facebook Comments