Panukalang alisin na ang umiiral na State of Public Health Emergency sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic, tinutulan ng DOH at health expert

Naniniwala ang Department of Health at ilang health expert na hindi pa napapanahon na tanggalin ang umiiral na State of Public Health Emergency sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bagama’t kaonti na lang ang pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa bansa, nananatili pa rin ang banta nito lalo na’t nakapasok na sa Pilipinas ang mga subvariant ng Omicron na BA.2.12.1 at BA.4.

Maging ang vaccine expert panel member na si Dr. Rontgene Solante ay hindi rin pabor na alisin ang State of Public Health Emergency.


Sa kabila nito, pabor naman si Solante na alisin na ang Alert Level System sa bansa at panatilihin na lang ang mga ipinapatupad na minimum health standard.

Setyembre nakatakdang magtapos ang umiiral na Public Health Emergency sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic at nasa kamay na ng susunod na pangulo ng bansa ang desisyon hinggil sa pagpapalawig dito.

Facebook Comments