Kinuwestyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang panukala mula sa Kamara na pagkalooban ng amnestiya ang mga miyembro ng communist terrorist groups.
Ayon kay Lacson, paano magiging eligible sa amnestiya ang mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF kung ipinetisyon ng pamahalaan sa korte na ideklara itong teroristang grupo.
Sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on National Defense and Security, binigyang diin ni Lacson na may polisiya ang gobyerno na hindi makikipagnegosasyon sa mga terorista.
Paliwanag naman ni Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez Jr., ang amnestiya ay compassion sa mga kumalas sa communist terrorist groups.
Sinabi pa ni Galvez na kasama ito sa estratehiya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC para mapasuko ang mas maraming miyembro ng partido komunista.
Nilinaw naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Alex Macario na hindi absolute ang polisya ng gobyerno na hindi makipagnegosasyon sa mga terorista.
Sabi ni Macario, walang negosasyon kung may kidnapping at ransom pero hindi sa pagkakaloob ng amnestiya na layuning wakasan ang labanan at magbalik-loob sa gobyerno ang mga rebelde.