Panukalang batas na layong dagdagan ang benepisyo ng mga dating presidente, isinulong sa Senado

Isinulong sa Senado ang panukalang batas na layong bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga dating presidente ng Pilipinas.

Ito ay matapos inihain nina Senator Bong Go, Mark Villar, Bato dela Rosa at Francis Tolentino ang Senate Bill 1784 o ang Former Presidents Benefits Act of 2023.

Sa isinumiteng explanatory note, ipinaliwanag dito na sa kabila ng pagtatapos ng kanilang termino ay inaasahan pa rin silang gampanan ang ilang post-presidential duties tulad ng pakikipagpulong sa mga foreign at local dignitaries at pagdalo sa ilang pagtiitpon.


Sakaling aprubahan bilang batas, bibigyan ang mga dating lider ng bansa ng pagkakataong mamili ng mamumuno sa kanilang seguridad habang bibigyan din ng proteksyon ang immediate family nito habang nabubuhay pa ang dating presidente.

Bibigyan din sila ng kapangyarihan na mamili ng tauhan na ibibgay ng Office of the President at angkop na tanggapan na pulido at may kagamitan saan mang bahagi ng bansa.

Dapat ding isama ng Department of Budget and Management ang kakailanganin pondo para rito sa kanilang panukalang pambansang pondo kada taon.

Sa ngayon, sina Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo at Rodrigo Duterte na lamang ang buhay na dating Pangulo ng Pilipinas.

Facebook Comments