Manila, Philippines – Inendorso na ng House Committee on Transportation sa plenaryo ang panukalang batas na magpapatibay sa regulasyon ng mga tricycle sa bansa.
Sa ilalim ng Committee Report 1231, isinusulong ni Committee Chairperson, Catanduanes Representative Cesar Sarmiento ang pag-apruba sa House Bill 9073 o proposed magna carta for tricycle drivers and operators.
Ayon kay Sarmiento – bukod sa tricycle regulation, layunin din ng panukala na palawakin ang accessible at affordable social security at health care benefits coverage sa mga manggagawa sa tricycle sector.
Aniya, mabibigyan ng social, economic at legal services ang tricycle sector na siyang magpoprotekta sa kanilang karapatan at benepisyo.
Itinakda rin sa panukala na walang tricycle ang maaring bumiyahe sa national highways na ginagamit ng mga apat-na-gulong sasakyan para na rin sa kaligtasan ng mga tsuper at pasahero nito.