Isinusulong ni Senator Joel Villanueva ang panukalang batas na permanenteng nagbabawal sa bansa ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) .
Ayon kay Villanueva, layon nito na mawala na ang bakas ng mga POGO bilang pagsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na palayasin na sa bansa ang lahat ng mga POGO.
Sa Section 3 ng Senate Bill 2752 na lahat ng POGO at iba pang kahalintulad na licenses na inisyu ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ng iba pang-investment promotion agencies ay permanenteng kinakansela at ipinababasura.
Malinaw ding nakasaad sa panukalang batas na ipinababasura ang batas na nagpapataw ng buwis sa mga POGO o ang Republic Act 11590 na siyang nagpapahintulot para makapag-operate ang mga ito sa bansa.
Ang lahat naman ng mga POGO na may maiiwang obligasyon na buwis sa gobyerno ay pagbabayarin pa rin.
Inaatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na lumikha at magpatupad ng mga programa na tutulong sa transition o paglilipat at pagbibigay ng trabaho sa mga manggagawang Pilipino na maaapektuhan ng tuluyang pag-ban sa mga POGO.
Pinagsusumite naman sa Kongreso ang PAGCOR, Bureau of Immigration (BI), DOLE at iba pang ahensya ng report tungkol sa kanselasyon ng mga inisyung lisensya sa mga POGO, status ng pagpapasara at pagpapatigil ng operasyon at iba pang mahahalagang impormasyon sa loob ng isang taon matapos itong maisabatas.