Inaprubahan na ng House Committee on Basic Education and Culture na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo ang House Bill 3174 na tutugon sa kakulangan ng silid-aralan at anim pang House Bills para naman sa regulasyon ng class size.
Aamyendahan ng panukala ang Republic Act 7880 o ang Fair and Equitable Access to Education Act upang mabigyang katuwiran ang paglalaan ng pondo ng Department of Education (DepEd) para sa capital outlay.
Solusyon ito sa paulit-ulit na problema sa kakulangan ng silid-aralan pati ang “class size” sa mga pampublikong paaralan.
Sa pagdinig ay inihayag ni DepEd Dir. Mar Bermudez, ang pag-asa na tataasan ang annual budget ng kagawaran para sa capital outlay ng hanggang 20% para makamit ang target na classroom-student ratio.
Bilang isang guro ay ipinaliwanag naman ni ACT Teachers partylist Rep. France Castro na mahalaga ang regulasyon ng laki ng klase upang matiyak ang dekalidad na edukasyon dahil ang sobra-sobrang dami ng estudyante sa bawat classroom ay may epekto sa pagtuturo sa mga mag-aaral.