Pinapa-regulate ng Kamara ang mga itinatakdang presyo ng mga may-ari ng carpark sa harap na rin ng ipinapataw na mataas na singil dito.
Ngayong 18th Congress ay muling inihain sa Kamara ang House Bill 1037 ni Paranaque Rep. Joy Myra Tambunting na layong i-regulate ang ipinapataw na parking fees kabilang na ang mga shopping malls at government institutions.
Bukod sa regulasyon sa mga parking fees ay pinatitiyak sa mga carpark operators ang proteksyon at kaligtasan ng mga nakaparadang sasakyan.
Aalisin na rin ang hindi makatwirang polisiya na matagal nang ipinapatupad ng mga carpark owners na wala silang pananagutan sakaling magkaroon ng sira, na-carnap o nawalan ng gamit ang loob ng sasakyan.
Magtatalaga naman ng parking spaces para sa mga persons with disabilities.
Mababatid na ilang panukalang batas na rin ang naihain noon sa Kamara na may kinalaman sa carpark regulations subalit sinasabing nasuhulan ng mga mall owners ang mga may-akda na nag-lobby at tumutol sa proposed measures sa Mababang Kapulungan.