Nananawagan si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas sa House of Representatives na tutukan din ang mga panukalang batas na nagsusulong ng dagdag sa sweldo ng mga manggagawa.
Apela ito ni Brosas sa Kamara makaraang pumasa sa Senado ang panukalang dagdagan ng P100 pesos ang daily minimum wage sa pribadong sektor.
Ayon kay Brosas, sa ngayon ay nakabinbin sa Kamara ang dawang panukalang inihain ng Makabayan Bloc para ma-institutionalize ang national minimum wage base sa family living wage at ang P750 peso across-the-board wage increase para sa mga private sector workers.
Giit ni Brosas, hindi sapat ang kakarampot na kasalukuyang pinapasahod sa mga manggagawa sa kabila ng tumitinding krisis sa ating bansa habang ang mga malalaking negosyante ay sobra-sobra umano ang kinakamal na tubo.