Inendorso na ng Senate committee on ways and means ang panukalang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) o Senate Bill 1357.
Ayon kay Committee Chairperson Senator Pia Cayetano, nakapaloob sa panukala na sa susunod na sampung taon o hanggang taong 2030 ay unti-unting ibababa sa 20% ang kasalukuyang 30% na corporate income tax.
Tinukoy ni Cayetano, base sa tantya ng economic managers ng administrasyon ay madagdag sa negosyo na maaring makalikha ng 1.5 million na trabaho ang mababawas sa buwis ng mga korporasyon.
Sa kanyang sponsorship speech ay inihayag din ni Cayetano na sa ilalim ng panukala ay ira-rationalize o gagawing makatwiran at may kaakibat na mga kondisyon ang mga fiscal incentives tulad ng diskwento at exemption sa buwis ng mga kumpanya.
Ipinaliwanag ni Cayetano na noong 2015 hanggang 2017, ay umabot sa isang trilyong piso ang halaga ng tax incentives na tinamasa ng mga malalaking kumpanya nang walang anumang kundisyon at wala ding naidulot na benepisyo sa ekonomiya at sa publiko.