Sa boto ng 22 mga senador ay lusot na sa third and final reading ng Senado ang panukalang nagkakaloob ng 50-taong prangkisa sa San Miguel Aerocity Inc. na subsidiary ng San Miguel Holdings Corporations.
Para ito sa pagtatayo ng international at domestic airport sa Bulakan, Bulacan na gagastusan ng mahigit 735-billion pesos at inaasahang makakatanggap ng 70-milyong pasahero kada taon na doble sa kapasidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Base sa panukala, sa loob ng 10-taong pagtatayo sa paliparan ay magiging exempted sa direct at indirect taxes ang San Miguel Aerocity Inc.
Sa natitirang 40 taon ng prangkisa ay magiging exempted naman ito sa income taxes, real estate tax at iba pang uri ng buwis hanggang mabawi nito ang puhunan.
Ayon kay Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe, na siyang nag-sponsor sa panukala, ang tax exemptions na ipagkakaloob sa San Miguel Aerocity ay mababawi rin mula sa kikitain sa oras na maging operational na ang paliparan.
Diin ni Poe, ang itatayong paliparan ay may positibong epekto sa ekonomiya ng bansa at inaasahang magbubunga rin ng 400,000 trabaho.
Binigyang diin pa ni Poe na ang bagong paliparan ay daan din para mapaluwag ang iba pang paliparan at mga lansangan lalo na sa Kamaynilaan.