Bagama’t nalulungkot ay nirerespeto ni Senator Juan Miguel Zubiri ang veto powers ng presidente sa ilalim ng ating Konstitusyon tulad ng ginawang pagveto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Act.
Nirerespeto at kinikilala rin ni Zubiri ang posisyon ng Department of Finance (DOF) kontra sa pagtatayo ng bagong economic zone.
Pero paliwanag ni Zubiri, sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law ay pinahihintulutan ang pagtatag ng mga bagong economic zone.
Basta sumusunod ang mga ito sa itinatakdang mga bagong fiscal at non-fiscal incentives ng CREATE Law at umaayon din sa istriktong regulatory powers ng Fiscal Incentives Review Board.
Sabi ni Zubiri, dahil dito ay kanilang tiniyak na umaayon ang panukalang Bulacan Airport City Special Economic Zone sa CREATE Law.
Binigyang diin ni Zubiri, na layunin nito na maging transportation at manufacturing hub na inaasahang magpapasok sa bansa ng kinakailangang pamumuhunan at magbibigay ng libu-libong trabaho sa mamamayan sa Central Luzon.