Panukalang buwagin ang Sugar Regulatory Administration, isinulong ni Congressman Abante

Isinulong ng isang mambabatas ang panukalang buwagin ang Sugar Regulatory Administration (SRA) kasunod ng sugar fiasco.

Sa ilalim ng inihaing House Bill 5081 ni Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante, layon nitong ilipat ang kapangyarihan at tungukulin ng SRA sa Department of Agriculture (DA).

Paliwanag ni Abante, nabigo umano ang SRA na tugunan ang mga isyu na kinakaharap ng sektor ng asukal kabilang ang mataas na presyo nito sa merkado.


Dagdag pa nito, hindi naabot ng sektor ang mataas na produksyon ng asukal at hindi naging competitive ang naturang industriya.

Sakaling maging batas ay maaari pa ring ma-absorb ng DA ang mga opisyal at kawani ng SRA batay sa kanilang merit at fitness.

Nitong Agosto lamang ay inaprubahan ng SRA ang pag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal upang tugunan ang kakulangan nito sa bansa pero napag-alamang ilegal ang kautusan bunsod ng kakulangan ng basbas mula sa namumuno nito na si Pangulong Bongbong Marcos mismo.

Nagresulta ito sa pagbitiw ng ilang opisyal kabilang si dating SRA administrator Herminigildo Serafica.

Facebook Comments