Iminungkahi ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa liderato ng Senado at Kamara na samantalahin habang naka-break ang session para talakayin ang panukalang pag-amyenda sa mga economic provision ng 1987 Constitution.
Pero giit ni Villafuerte, dapat gawing bukas sa publiko ang pulong ukol sa Charter Change o ChaCha na pangungunahan nina Senator Robinhood Padilla at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na kapwa namumuno sa mga komite na tumatakay sa panukalang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ayon kay Villafuerte, sa ngalan ng transparency ay dapat maging bukas sa publiko ang naturang meeting taliwas sa umano’y nais ni Senate President Juan Miguel Zubiri na gawin itong closed door.
Ang panukala para sa pagdaraos ng Constitutional Convention (ConCon) para maisagawa ang ChaCha ay pasado na sa Mababang Kapulungan pero ito ay nasa committee level pa lamang ng Senado.
Kaugnay nito ay itinanggi naman ni Villafuerte na minadali ng Kamara ang pagpasa sa mga panukala ukol sa ConCon at ChaCha dahil kung tutuusin aniya ay panahon pa ni dating Pangulong Fidel Ramos ng sinimulang isulong ang mga panukalang pag-babago sa ating Konstitusyon.