Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na naglalayong dagdagan ang teaching supplies allowance ng mga guro sa lahat ng pampublikong paaralan.
Sa botong 22 pabor at wala namang pagtutol ay pinagtibay na sa plenaryo ng Mataas na Kapulungan ang Senate Bill 1964 o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act.
Kapag naging ganap na batas ang panukala, ang bawat public school teacher ay makakatanggap ng ₱7,500 na supplies allowance para sa School Year 2023-2024 at itataas ito sa ₱10,000 pagsapit naman ng school year 2024-2025.
Sa kasalukuyan ay nasa ₱5,000 lamang ang allowance para sa pagbili ng mga guro ng kanilang mga kagamitan sa pagtuturo.
Imamandato rin ng panukala ang automatic adjustment ng allowance kada tatlong taon para makaagapay sa pagbabago ng presyo ng mga teaching supplies, materials at iba pang gastusin sa pagtuturo.