Restoration sa Manila Central Post Office, hahanapan ng pondo ng Senado

Kikilos ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso para hanapan ng pondo ang restoration ng Manila Central Post Office matapos masunog ang buong gusali.

Ayon kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, nagpadala ng mensahe si Senate President Juan Miguel Zubiri kung saan iginiit nito na kailangang magtulungan ng Senado at ng Department of Budget and Management (DBM) para mahanapan ng pondo ang pagsasaayos ng post office.

Isa aniya itong National Artist ng bansa na likha ng national artist na si Juan Arellano dahilan kaya mahalagang ma-i-restore ang gusali na bahagi na ng kasaysayan ng bansa.


Linggo ng gabi nang matupok ng apoy ang Manila Central Post Office (MCPO) at inabot ng mahigit pitong oras bago naapula ang sunog na umabot hanggang general alarm.

Hinihinalang nagsimula sa basement ng post office ang sunog kung saan matatagpuan ang maintenance at storage room at dahil puro papel ang nakaimbak dito kaya’t mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa itaas ng gusali.

Facebook Comments