Nagkaroon ngayon ng pag-asa ang mga senador na nagtutulak na maibalik ang parusang kamatayan makaraang isulong ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Labing-isa (11 ) ang panukalang nakahain sa Senado para sa pagpapataw ng parusang bitay at isa sa mga pangunahang may-akda nito ay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nais maparusahan ng kamatayan ang mga mapapatunayang guilty sa high-level drug trafficking at drug smuggling cases lamang.
Masaya naman si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kasabay ang apela sa mga kasamahan na ipasa na ang Death Penalty Bill na mahigit ng isang taong nakabinbin sa committee level.
Ipinaliwanag naman ni Senator Imee Marcos na kailangan na ngayon ang death penalty dahil sa pagbabago ng panahon kung saan malalaking sindikato na ng multi-national corporations ang sangkot sa malawakang operasyon ng drugs, terrorism, gun-running at human trafficking.
Katwiran pa ni Marcos, ang galamay ng mga sindikatong ito ay umaabot na sa hanay ng kapulisan, justice system at narco-politicians kaya kailangan ang death penalty para ito ay mahadlangan.
Aminado naman si Senator Panfilo “Ping” Lacson na bagama’t pabor sya sa death penalty ay siguradong dadaan ito sa matinding debate.