Panukalang Economic Cha-Cha, buhay na buhay pa rin, ayon sa isang kongresista

Iginiit ni Assistant Majority Leader at Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo na buhay na buhay pa rin sa Kongreso ang itinutulak na amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution o ang Economic Charter Change.

Ang reaksyon ng kongresista ay bunsod na rin ng mga espekulasyon na patay na ang Resolution of Both Houses no. 2 o ang Economic Cha-Cha dahil hindi na ito matatalakay ng Senado bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa June 4.

Kumpyansa si Castelo na malaki pa rin ang tyansang mapagtagumpayan ang Economic Cha-Cha bago matapos ang taon.


Ang RBH 2 na inakda ni Speaker Lord Allan Velasco ay nakatakdang pagtibayin ngayong linggo sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa.

Pagkatapos maaprubahan ng Kamara ay isusumite ito sa Mataas na Kapulungan sa gitna ng recess at may panahon pa para aksyunan ito ng Senado sa third regular session ng 18th Congress na magsisimula sa July 26.

Sinabi pa ni Castelo na habang abala ang Kamara sa pagbusisi sa 2022 national budget ay umaasa sila na mabibigyan ng panahon ng Senado na matalakay ang RBH 2.

Sinisiguro naman ng mambabatas na limitado lamang sa amyenda ng economic provisions ang isinusulong na panukala at kung sakaling mahaluan man ito ng political amendment ay mismong sila sa Kamara ang haharang dito.

Facebook Comments