
Hindi pa naisusumite sa Malacañang ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng emergency powers ang pangulo para pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa petrolyo.
Sinabi ni Senate President Tito Sotto III na ito ay hindi pa naiaakyat ng Kamara sa Senado.
Paliwanag pa ni Sotto, ang Kamara ang nag-initiate o nanguna na enrolled bill na ang panukala at kapag inakyat na ito sa Senado, saka pa lamang ito malalagdaan para maipadala sa pangulo at tuluyang maisabatas.
Noon lamang nakaraang linggo, March 18, ay ini-adopt o inaprubahan ng Kamara ang bersyon ng Senado sa panukala para bigyan ng authority ang presidente na gawin ang pagsuspindi o pagbawas sa fuel excise tax sa gitna pa rin ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East.
Minadali ng Senado at Kamara ang pagpapatibay sa panukala matapos na sertipikahan itong urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.










