Aprubado na sa House Subcommittee on Disaster Preparedness ang mga panukalang batas para sa paglalaan ng pondo at pagtatayo ng permanenteng evacuation center sa bawat probinsiya, siyudad at municipality.
Ayon kay Subcommittee Chairman Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, target ng mga panukalang batas na mapatayuan ng permanenteng evacuation centers sa 1,488 munisipalidad at 146 siyudad sa buong bansa.
Sabi ni Adiong, layunin ng panukala na maiwasan ang paggamit sa mga pampublikong paaralan at ilang pribadong pasilidad bilang pansamantalang evacuation centers.
Ito ay para may lugar at maayos na lugar na agad mapuntahan ang mga kababayan nating inililikas tuwing may kalamidad at iba pang sakuna.
Kabilang sa mga pangunahing naghain ng panukala ay si Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasama si Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.