Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 7354 o panukalang pagtatayo ng permanenteng evacuation centers sa 1,488 munisipalidad at 146 na lungsod sa buong bansa.
307 ang bomoto pabor at isa pang ang komontra sa nabanggit na panukala na layuning naiwasan na ang paggamit sa mga eskwelahan at ilang pribadong pasilidad bilang pansamantalang evacuation center.
Base sa panukala ay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang magiging katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagtukoy sa mga lugar na bibigyang prayoridad sa pagpapatayo ng evacuation center.
Ikokonsidera sa pagpili ang dalas ng pagtama ng kalamidad sa lugar at ang dami ng tao na inilikas sa nakalipas na tatlong taon.
Sa ilalim ng panukala ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang mangunguna sa pagpapatayo ng evacuation center na dapat ay matatag laban sa mga bagyo na may lakas ng hanging hindi bababa sa 300KPH at magnitude 8 na lindol.
Iniuutos ng panukala na ang mga itatayong evacuation center ay dapat kumpleto sa kailangang pasilidad tulad ng sleeping quarters, shower at toilet facility para sa babae at lalaki, Persons with Disabilities (PWD), friendly amenities, isolation o quarantine facility, prayer room at iba pa.