Niratipikahan na ng Mababang Kapulungan ang House Bill 6517 o panukalang mag-aamyenda sa batas kaugnay sa tatlong taong fixed term para sa mga piling opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nililimitahan ng panukala ang saklaw ng three-year fixed term sa Armed Forces Chief of Staff habang dalawang taong termino naman para sa commanding general ng Philippine Army at Air Force, flag officer-in-command ng Philippine Navy at Superintendent ng Philippine Military Academy.
Pwedeng hindi matapos ang kanilang fixed terms kung nanaisin ng pangulo ng bansa.
Maliban sa mga lider ng Philippine Army, Air Force, Navy at Philippine Military Academy ay ipinagbabawal ng panukala na ma-promote sa ranggong brigadier general o commodore ang mga opisyal na kulang na sa isang taon ang nalalabing panahon sa serbisyo bago magretiro.
Itinatakda naman ng panukala ang compulsory retirement ng Second Lieutenant o Ensign hanggang Lieutenant General o Vice Admiral sa kanilang ika-57 kaarawan o kung umabot na sila sa 30 taon sa serbisyo.
Ang compulsory retirement naman ng chief of staff ay kapag natapos na nito ang kanyang termino o kapag pinalitan ng pangulo.