Isinusulong ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang libreng COVID-19 testing para sa mga naghahanap ng trabaho at mga vulnerable workers mula sa MSMEs at informal economy.
Tinukoy ni Vargas na marami sa mga kababayang nawalan ng trabaho ang hindi makapag-apply dahil hindi kayang gastusan ang RT-PCR test na nire-require ng ilang mga employer bago sila i-hire.
Hindi aniya makatwiran kung patuloy na babalewalain ng gobyerno ang hinaing na ito ng mga manggagawa.
Layunin ng panukala na maprotektahan ang mga manggagawa laban sa diskriminasyon at hindi makatarungang practices at matiyak ang tuluy-tuloy na operasyon ng mga negosyo.
Ang panukalang “Free COVID-19 Testing to Promote Labor Act” ay para sa mga empleyadong hindi kasama sa kasalukuyang libreng testing packages ng PhilHealth gayundin ang mga small-businesses at mga job-makers na hindi kayang makaagapay sa gastos para sa kanilang mga manggagawa.
Ang Department of Health (DOH) naman ang mangunguna sa pagbibigay ng libreng COVID-19 testing para sa mga naghahanap ng trabaho at iba pang manggagawa.