PANUKALANG GAWING CAPITAL CITY ANG LINGAYEN, ISINUSULONG SA KAMARA

Isinusulong ngayon sa House of Representatives ang panukalang conversion sa bayan ng Lingayen bilang isang component city ng lalawigan ng Pangasinan.

Sa ilalim ng House Bill No. 5472 na inihain sa Twentieth Congress, layong gawing City of Lingayen ang kasalukuyang bayan na nagsisilbing kabisera ng lalawigan.

Binigyang-diin sa panukala ang makasaysayang papel ng Lingayen bilang kabisera ng Pangasinan mula pa noong panahon ng kolonyalismo, gayundin ang kahalagahan nito sa kasaysayan ng bansa, partikular sa Lingayen Gulf Landings noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Tinukoy rin sa panukala ang papel ng bayan bilang sentro ng pamahalaan, kalakalan, edukasyon, at turismo sa lalawigan.

Sa ilalim ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991, ang isang bayan aY maaaring gawing component city kung may annual income ito na hindi bababa sa ₱100M, teritoryong hindi bababa sa 100 square kilometers, at populasyong hindi bababa sa 150,000.

Bagama’t hindi aabot ang bayan sa kinakailangang land area at populasyon, sa ilalim ng Republic Act 11683, na umamyenda sa Section 450 ng RA 7160, ay maaari nang maging component city ang isang bayan na nakapagtala ng hindi bababa sa ₱100M annual income sa loob ng dalawang magkasunod na taon.

Sa panayam ng iFM News Dagupan kay Lingayen Vice Mayor Jay Mark Kevin D. Crisostomo, ipinaliwanag niya na lahat ng kabisera sa mga lalawigan sa Ilocos Region, maliban sa Pangasinan, ay mga lungsod na, kaya’t nararapat lamang na pormal nang gawing capital city ng lalawigan ang Lingayen.

Dagdag pa niya, bagama’t marami pa rin ang hindi sang-ayon sa naturang panukala dahil sa nakaambang pagtaas ng mga bayarin at presyo ng bilihin, patuloy ang lokal na pamahalaan sa pagpapaunawa sa mga mamamayan sa mas malawak na benepisyo ng pagiging lungsod sa mas mahabang panahon.

Kapag naipasa, ang cityhood ay magbibigay ng mas mataas na share sa National Tax Allotment (NTA) sa bayan, mas malawak na awtonomiya, at mas mataas na kakayahang pinansyal sa lokal na pamahalaan upang mapahusay ang paghahatid ng mga serbisyong publiko, imprastraktura, at mga programang pangkaunlaran. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments