Panukalang gawing permanente ang validity ng birth, death at marriage certificates, naisabatas na

Isa nang ganap na batas ang Republic Act No. 11909 o ang panukalang gawing permanente ang validity ng mga birth, death at marriage certificate na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay Senator Bong Revilla Jr., nag-lapse into law ang naturang panukala noong July 28 matapos hindi vineto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang naturang panukala 30 araw matapos itong matanggap ng kaniyang opisina.

Ibinahagi rin ni Revilla ang kopya ng liham mula sa Malacañang na pirmado ni Executive Secretary Victor Rodriguez kung saan ipinapabatid kay Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagsasabatas nito.


Dahil dito, lahat ng mga certificates na inisyu, pinirmahan, sinertipikahan o kaya na-authenticate ng PSA at ng mga local civil registries ay magkakaroon na ng permanent validity kahit anong petsa pa ito inisyu.

Ang mga naturang dokumento ay kilalanin at tatanggapin sa lahat ng government at private transactions o services na nangangailangan ng katibayan ng pagkakakilanlan at legal status ng isang indibidwal.

Mababatid na nilinaw na ng PSA na ang naturang certifcates ay walang expiration date ngunit dahil sa patuloy na pagbago ng mga security papers ay nagreresulta sa hindi pagtanggap ng mga dokumentong matagal nang inisyu.

Samantala, ikinagagalak ni dating Senator Kiko Pangilinan na siyang Principal Author at Co-Sponsor ng RA 11909 ang pagsasabatas nito.

Facebook Comments