Panukalang human rights-based approach para sa IDPs, pasado na sa Kamara

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill No. 8269 o panukalang titiyak na mabibigyan ng tulong pinansyal ang mga internally displaced person (IDP).

Nakapaloob din sa panukala ang paggamit ng human rights-based approach para maprotektahan ang mga karapatan ng IDPs.

Ang mga IDP ay ang mga indibidwal na napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan dahil sa gera, karahasan, clan war, paglabag sa karapatang pantao, ipatutupad na proyekto, at panganib na dulot ng kalikasan o gawa ng tao.


Ang panukala ay sang-ayon sa nakasaad sa Konstitusyon, pamantayan na itinakda ng International Humanitarian Law, mga batas na nagbibigay ng proteksyon sa karapatang pantao, mga tratado at kasunduan na pinasok ng Pilipinas kasama na ang United Nations’ Guiding Principles on Internal Displacement.

Inaatasan ng panukala ang Commission on Human Rights (CHR) na magbantay sa kondisyon ng mga IDP.

Iniuutos din ng panukala ang pagtatayo ng isang inter-agency coordinating committee na kapwa pamumunuan ng chairperson ng CHR at Executive Director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Facebook Comments