Manila, Philippines – Hindi papalusutin ni Senator Antonio Trillanes IV ang panukalang isinusulong sa Kamara na ibaba sa syam na taong gulang ang criminal responsibility.
Diin ni Trillanes, ang nabanggit na panukala ay anti-family, anti-poor, hindi makatarungan at hahantong sa isang lipunan na walang puso at malupit sa mamamayan.
Katwiran pa ni Trillanes, magdudulot ito ng trauma sa mga bata na makukulong dahil ang mga batang edad kinse pababa ay hindi pa ganap na mature ang pag-iisip at damdamin kaya hindi pa lubos ang konsiderasyon nila sa kung ano ang tama at mali.
Inihain naman ni Senator Grace Poe ang Senate Resolution 157 na komokontra sa anumang hakbang na ibaba ang minimun age of criminal responsibility mula sa kasalukuyang kinse anyos.
Nanindigan si Senator Poe, na anti-poor ito dahil karamihan sa mga batang sangkot ay galing sa mahihirap na pamilya at walang kakayahang ipagtanggol ang sarili laban sa anumang legal na asunto.
Giit pa ni Senator Poe, hindi matutugunan ng panukala ang pagkakasangkot ng mga bata sa masama o ilegal na gawain dahil sila ay ginagamit lamang ng mga sindikato.
Ang dapat ayon kay Poe, isalba ang mga bata sa halip na isadlak sa pagdurusa.