Manila, Philippines – Muling inihain ni Senate President Tito Sotto III ang panukalang nag-aamyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 para ibaba sa higit dose-anyos ang minimum age of criminal responsibility mula sa kasalukuyang kinse anyos.
Sa Senate Bill number 5 ni Sotto ay papanagutin na sa batas ang mga batang higit dose anyos hanggang 18-anyos na makagagawa ng krimen tulad ng pagpupuslit ng ilegal na droga, pagpatay at pagnanakaw.
Nakapaloob sa panukala na maari lang nilang matakasan ang pananagutan kung mapapatuyan na wala pa silang discernment o buong pagkakaunawa sa kanilang ginawa.
Itinatakda din ng panukala na ang mga batang edad 9 hanggang dose anyos naman na makagagawa ng seryosong krimen ay agad ipapasok sa Bahay Pag-asa Youth Centers.
Kaugnay nito ay inaatasan ng panukala ang mga lokal na pamahalaan na pondohan ang pagpapatayo at pagpapatakbo ng mga rehabilitation centers para sa mga batang gumawa ng krimen.