Panukalang ibaba sa 56 years old ang optional retirement age para sa government employees, lusot na sa Kamara

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill No. 206 na kinapapalooban ng 13 pinagsasamang panukala na maibaba sa 56 years old ang kasalukuyang 60 years old na optional retirement age ng mga empleyado ng gobyerno.

268 na mga kongresista ang bumoto pabor sa panukala, kung saan isa lang ang komontra at isa ang nag-abstain.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, kapag naisabatas ang panukala ay mabibigyan ng choice ang mahigit isang milyong empleyado ng gobyerno na makapag-retiro ng maaga para ma-enjoy ang kanilang mga benepisyo at retirement bago pa man sila maging senior citizens.


Aamyendahan ng House Bill 206 ang Republic Act 8291 o Government Service Insurance System Act of 1997.

Sa ilalim ng panukala, ang mga kawani ng gobyerno na nakapagsilbi ng hindi bababa ng 15 taon at umabot na sa edad na 56 ay dapat bigyan ng kalayaan na makapag-retiro nang may kaakibat na benepisyo tulad ng pensyon habang sila ay nabubuhay.

Facebook Comments