Manila, Philippines – Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang naglalayong ibigay ang malaking porsyento ng service charge sa mga empleyado ng restaurant at hotel.
Sa botong 208 na “yes” at zero na “no”, inaprubahan ang panukala na aamyenda sa article 96 ng Labor Code of the Phillippines kung saan 15 percent ng service charge ang napupunta sa management.
Sa ilalim ng house bill 8784, ibibigay at paghahatian ng mga rank and file at supervisory employee ng mga hotel at restaurant ang hanggang 90 percent ng service charge.
Ang matitirang 10% naman ang mapupunta sa management ng mga nasabing establisemento para sa mga masisirang gamit at ibibigay din sa local managerial employee.
Hindi naman maaaring isama sa kwenta ng minimum na sahod ng mga empleyado ang ibibigay sa kanilang bahagi ng service charge.
Nauna nang naaprubahan noong December 2017 ang bersyon nito sa Senado.