Inaprubahan na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang panukalang batas na ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang control at supervision ng provincial at sub-provincials jails.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa na siyang Chairman ng komite, layunin ng panukala na maisaayos ang pangangasiwa sa mga bilangguan.
Sa ngayon ay tanging mga city, municipal at district jail lamang ang pinangangasiwaan ng BJMP habang mga provincial at sub-provincials jails ay pinamamahalaan ng provincial government.
Sa pagdinig ng komite ay umani ng suporta ang panukala mula sa mga gobernador dahil tiwala sila na mas mapapangasiwaan ng mahusay ng BJMP ang mga bilangguan.
Isa sa pangunahing may-akda ng panukala si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at sinang-ayunan din ito nina Senators Francis Tolentino at Christopher “Bong” Go.
Ipinaliwanag pa ni Go na tulad ng ibang government offices, ang unified standard ng pamamahala sa correctional facilities ay mas makakasiguro sa mas mabuting management.