Malabnaw si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa mga panawagang imbestigahan ng Senado ang planong pagtatayo ng China-backed telco na DITO Telecommunity ng mga cell sites sa mga kampo ng militar sa bansa.
Kasunod ito ng pangambang makapang-espiya ang China oras na makapasok sa mga kampo ng militar ang mga Chinese engineers at technicians.
Ayon kay Sotto, noon pa man ay ang Chinese tech giant na Huawei na ang backbone maging ng mga cell sites ng Smart at Globe sa loob ng military camps.
“Palagay ko, kailangan lang paliwanagan yung mga kasama natin na nag-iisip niyan. Hindi kasi nila alam na ang backbone ng Globe at Smart, Huawei. Sila rin ‘yung nasa loob e. So ibig mong sabihin, lahat ng tinayo simula noong 1986, 1991, 1992, iimbestigahan mo lahat?,” giit ni Sotto.
Dagdag pa ng senador, mamo-monitor naman ng bansa sakaling may ikinabit ang China na anumang bagay na maaaring magamit nito sa pang-e-espiya.
“Anong i-e-espiya sa’tin e ang hirap hirap natin. Wala naman tayong tinatago e,” dagdag ng senador.