
Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives ang House Bill 8220 o Panukala na ilipat sa ikalawang Lunes ng Setyembre ngayong taon ang kauna-unahang regular parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Ang panukala ay kasama rin sa mga priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na syang sponsor ng panukala, layunin nito na maprotektahan ang integridad ng peace process at masigurado na ang unang maitatayong Bangsamoro Parliament ay legal at nakabatay sa Konstitusyon.
Diin ni Adiong, kailangan ang “legal fix” matapos ang desisyon ng Korte Suprema na alisin ang Sulu sa saklaw ng BARMM.
Batay sa panukala, matapos ang election sa Setyembre ay masusundan ito kada tatlong taon kaya inaatasan nito ang Commission on Elections (Comelec) na bumuo ng patakaran at regulasyon batay sa mga umiiral na batas kasama ang Bangsamoro Organic Law at Bangsamoro Electoral Code.










