Panukalang isailalim sa MGCQ ang Metro Manila, welcome development sa DTI; problema sa mataas na pasahe at walang masakyan ang mga manggagawa, ipinanawagan ng ECOP

Welcome development para sa Department of Trade and Industry ang desisyon ng Metro Manila mayors na ipanukala sa Inter-Agency Task Force na ibaba na sa Modified General Community Quarantine ang National Capital Region.

Sa interview ng RMN Manila kay DTI Sec. Ramon Lopez, sinabi nito na malaking tulong sa unti-unting pagbango ng ekonomiya ng bansa ang pagluwag ng quarantine restrictions sa Metro Manila.

Hindi rin naniniwala ang kalihim na kapag isinailalim sa MGCQ ang Metro Manila ay muling sisipa ang kaso ng COVID-19.


Giit ni Lopez, nakasalalay pa rin kung bababa o tataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung mahigpit bang naipapatupad ang mga umiiral na health protocols.

Ganito rin ang pananaw ng Employers’ Confederation of the Philippines.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr. na kahit anong klasipikasyon ang ilagay sa Metro Manila, mas importante pa rin ang mga ipinapatupad na health protocols.

Kasabay nito, umapela si Ortiz-Luis sa pamahalaan na imbes na unahin ang pagbubukas ng mga sinehan at iba pang kahalintulad na industriya, mas iprayoridad ang mass transportation.

Giit ng pangulo ng ECOP, kahit marami nang industriya ang bukas, marami pa rin ang mga empleyadong hindi nakakapasok dahil walang masakyan at sobrang mahal ng pamasahe.

Facebook Comments