Manila, Philippines – Nagsasagawa ngayon ng pagdinig ang Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara ukol sa panukalang karagdagang excise tax sa mga sugar sweetened beverages gaya ng softdrinks.
Nakapaloob sa panukala na patawan ng karagdagang sampung piso kada-litro ang bawat inumin tulad ng carbonated at energy drinks.
Ayon sa Department of Finance, kung bubuwisan ang mga softdrinks at mga sugar beverages, ay matutustusan ng gobyerno ang mga programa ng Department of Health para laban ang mga non communicable diseases katulad ng diabetes.
Sa padinig ay sinabi naman ni Nueva Ecija Congresswoman Estrelita Suansing na umaabot sa bilyong piso ang gastos ng gobyerno kada-taon para tulungan ang mga mahihirap na pasyente sa pagpapa-dialysis dahil sa sobrang sugar intake.
Binanggit din ni Suansing ang pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute na nagsasabing tatlo sa bawat sampung Pinoy o 30 percent ng populasyon ng Pilipinas ang obese at may diabetes.