Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 8008 o panukalang “Kabalikat sa Hanapbuhay Act.”
270 na mambabatas ang bomoto pabor sa panukala na nagbibigay ng 20% na diskwento o kaya ay libre sa pagkuha ng mga certificate at clearance sa gobyerno ng mga mahihirap na naghahanap ng trabaho.
Halimbawa nito ang barangay clearance, NBI clearance, police clearance, medical certificate, CSC certificate of eligibility at iba pang documentary requirement na ibinibigay ng gobyerno at hinihingi sa pinapasukang trabaho.
Kabilang sa mga benepisaryo ng panukala ang mga indigent job seeker na may pinanghahawakang certificate of indigency na iniisyu ng Local Social Welfare Development Office base sa latest community-based monitoring system ng kinauukulang lokal na pamahalaan.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbuo n ng isang Inter-Agency Coordinating and Monitoring Committee na siyang titiyak na maipatutupad ito kapag naging ganap na batas.